Patay ang isang paslit ng isang overseas Filipino worker matapos paghahampasin umano sa pader ng kaibigang nag-aalaga sa bata sa Quezon City.
Puno ng pasa sa likod, braso, at hita ang bata nang isugod sa New Era Hospital ng mismong suspek na si alyas "Nora." Nasa Saudi Arabia ang ina ng biktima at ipinagkatiwala kay Nora ang kaniyang mga anak habang nangingibang-bansa.
Napag-alaman ang nangyari nang mag-report ang ospital sa pulisya.
Nasagip din ang 8 anyos na kapatid ng biktima na nasa pangangalaga na ngayon ng social worker.
Ayon sa mga awtoridad, Disyembre 2021 nang umalis ang ina para mangibang bansa at iniwan ng ina ang magkapatid sa recruiter nito.
P5,000 kada buwan ang napagkasunduang ibibigay ng ina ng mga bata sa recruiter para alagaan ang mga ito. Maayos naman umano ang lagay ng mga bata pero dahil sa hindi pagkakaunawaan, pinakuha raw ng OFW ang mga bata kay "Nora."
"Sabi ibigay sa kanila sila na mag-alaga, kasi nung nasa amin 2 months pinadalhan niya kami P7,000 ikaw ba naman nag da-diaper... Mukha daw kami pera, nagalit ako dun, kasi sobra alaga namin yung bata," anang isa sa mga nag-alaga ng bata noon.
Nabulaga ang unang nag-alaga sa sinapit ng mga bata sa kamay ni "Nora."
Sa report ng mga awtoridad, nakita pa ng senyales na inabuso at minolestiya ang bata, kaya bukod kay "Nora" person of interest din ang anak niyang lalaki na posibleng nagtatago sa Calabarzon.
Isinailalim na sa inquest proceedings si Nora habang nagpapatuloy ang follow-up operation para sa nagtatagong anak nito.
Inaasahang darating ngayong Biyernes mula sa Saudi ang ina ng biktima.
-- Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News
EPEKTO NG PANG-AABUSO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.