PatrolPH

Huling 2 Comelec debates maaantala kasunod ng isyu sa bayarin sa venue

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2022 03:21 PM | Updated as of Apr 22 2022 08:31 PM

Watch more News on iWantTFC

 Ilang Halalan bets nagsabing alanganing makakapunta sa naurong na debates 

MAYNILA - Maaantala ang nakatakdang huling 2 debate ng Commission on Elections (Comelec) matapos lumutang ang isyu ng nakabinbing bayarin ng contractor para sa venue, inanunsiyo ng tanggapan ngayong Biyernes. 

Gaganapin ang mga debate sa Abril 30 at Mayo 1, sa halip na ngayong weekend, sinabi ng Comelec. 

Humingi rin ng paumanhin ang Comelec sa mga kandidato dahil sa biglaang pagbabago ng schedule. 

Unang nabanggit ng Sofitel na siyang venue ng mga debate na tumalbog ang ilang tsekeng ibinigay ng contractor na Impact Hub o "Vote Pilipinas."

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kamakailan lang ipinaalam ng pamunuan ng Sofitel ang nangyari. 

"Ginawa namin lahat ng magagawa namin for last 2 days para they can come up with good plan to set aside differences, para tuloy 'to. Unfortunately, parang wala pang tamang direction sa pag-aayos," ani Garcia. 

Dahil dito, ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na ang magiging partner ng Comelec sa huling debate bago ang halalan. 

Sa mga dokumentong nakalap ng ABS-CBN News, sinabi ng Sofitel na paulit-ulit umanong nag-isyu ng mga bouncing check si Celeste Eden Rondario ng Impact Hub. Nagbanta ang hotel na kakanselahin nila ang mga obligasyon sa ilalim ng kanilang kontrata kung hindi magbabayad ng P14 milyon ang Impact Hub sa mga serbisyo. 

Sa kontrata, nangako umano ang Impact Hub na magbabayad sila ng P20.5 milyon sa 4 na bagsakan. Binigyan sila ng Sofitel ng hanggang nitong Huwebes para magbayad. 

Pero nilinaw ni Garcia na hindi naman umatras ang Sofitel. 

"In fairness to Sofitel wala silang whatever na ganoon. They wanted to proceed, kaya lang po from a business perspective how can
you proceed… Mahirap rin 'yung abono nang abono sila," ani Garcia. 

Inimbestigahan na rin ng Comelec ang nangyari at iginiit na walang ginastos ang komisyon sa debate. 

Sa kabila ng mga gusot, idiniin ng Comelec na "95 porsiyento" na silang handa para sa halalan sa Mayo 9. 

Ayon kay Garcia, naimprenta na ang lahat ng mga balota at nire-reprint na lang ang ilang nakitaan ng depekto. 

Naipamahagi na rin ang karamihan ng mga election paraphernalia sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

'ALANGANIN' 

Watch more News on iWantTFC

Sinabi ng ilang presidential bets na malabong makakapunta sila sa naurong na Comelec debates. 

Kabilang dito sina Panfilo "Ping" Lacson at Vicente "Tito" Sotto III na tututukan ang pangangampanya sa huling linggo bago maghalalan sa Mayo 9. 

Ayon kay Sotto, mas minabuti nilang puntahan ang mga commitment nila sa ngayon. 

"Kasi may prinsipyo kami, paliwanag niya. Paano 'yung mga nag-schedule sa 'kin na mga kapartido ko, bigla kong sasabihan na 'teka muna, postpone tayo' Kailan pa? Di ba? Nakakahiya eh. I'd rather sacrifice 'yung pagkakataon na mga ganiyan than be unprincipled as far as kausap. Matino kaming kausap kapag may schedule kami, naka-schedule na kami. 'Yun na 'yon," ani Sotto. 

Watch more News on iWantTFC

Ganito rin ang sitwasyon para kay Senador Manny Pacquiao. 

Pero may kondisyon siyang inilatag kung tutuloy man siya sa debate. 

"Kung mag-attend si Ferdinand Marcos Jr. eh mag-a-attend ako. Magandang optic kasi 'yun na makita ng taumbayan na kompleto kaming mga kandidato na naandoon sa isang imbitasyon ng debate," ani Pacquiao. 

— May mga ulat nina Jauhn Etienne Villaruel, Willard Cheng, Sherrie Ann Torres, at RG Cruz, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.