1 patay, 8 sugatan sa pagsalpok ng DPWH truck sa tulay sa Occ. Mindoro

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2021 10:46 AM

MAYNILA - Wasak na wasak ang 6-wheeler truck ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos na bumangga sa tulay sa Sitio Yapang, Barangay Bagong Buhay sa Sablayan, Occidental Mindoro, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Sablayan Municipal Police Station, patungong bayan ng Mamburao ang truck nang pumalya ang preno nito habang binabagtas ang pababang kalsada hanggang sa bumangga sa Patrick Bridge.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa bangin ang mga sakay ng truck.

Dead on the spot ang isa sa kanila na kinilalang si Sonny Mulingbayan. Sugatan naman ang walong iba pa, kabilang ang driver ng truck na si Von Barrera, na pawang kawani ng DPWH.

Agad silang isinugod ng rescue team sa San Sebastian District Hospital, Sta. Cruz Community Hospital at Occidental Mindoro Provincial Hospital.

Ang naturang lugar ay accident prone area. Noong taong 2018, nahulog din sa naturang tulay ang Dimple Star bus na ikinasawi ng 19 katao.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.