SILIPIN: Drive-thru COVID-19 testing facility sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 07:41 PM | Updated as of Apr 22 2020 08:59 PM

Watch more in iWantTFC

Target ilunsad ngayong linggo ng lokal na pamahalaan ng Taguig City ang kauna-unahang drive-thru na pasilidad para sa pag-test sa coronavirus disease (COVID-19).

Para kay Health Secretary Francisco Duque, "game changer" o may dulot na pagbabago ang pasilidad dahil mapabibilis nito ang kakayahan na magpa-test sa sakit.

"'Yan naman ang layunin, maitaas ang ating testing capacity," ani Duque.

"Marami sa ating mga kababayan, walang access sa health center... pero may kakayahan naman mag-internet, magmaneho, sa kanila bukas 'yong drive-thru," sabi ni Taguig Mayor Lino Cayetano.

Mula 100 hanggang 200 ang puwedeng magpa-test kada araw sa 2 itinatayong drive-thru COVID-19 testing facility sa Lakeshore sa Barangay Lower Bicutan at sa Bonifacio Global City.

Target makapag-umpisa ng mga test sa darating na weekend hanggang susunod na linggo.

Ilulunsad ito ng Taguig COVID-19 website kung saan ang mga nais magpa-test ay dadaan sa assessment o pagsusuri ng doktor. Kung lalabas na dapat sumalang ang isang tao sa testing, makatatanggap umano ang mga ito ng mensahe para sa schedule.

Kailangan umanong dumating sa oras na ibinigay dahil isa hanggang 2 oras ang drive-thru testing sa isang araw para hindi rin umano masyadong mapagod ang frontliners na magsasagawa ng test.

Tatagal ng 5 hanggang 10 minuto ang test at lalabas ang resulta matapos ang 3 araw.

Samantala, patuloy ang isa pang programa ng Taguig para ma-test ang mga residente nito para sa COVID-19.

Sa ilalim ng programang Systematic Mass Approach to Responsible Testing (SMART), ang health workers ang pupunta sa bahay ng mga taga-Taguig para mangolekta ng swab samples na gagamitin sa test.

Aabot sa higit 1,000 residente na ang sumalang sa COVID-19 testing sa lungsod.

Prayoridad umanong ma-check ang mga nagpapakita ng sintomas, frontliners, mga nakasalamuha ng mga kumpirmadong pasyente, at may mga mataas na tiyansang magkasakit tulad ng senior citizens at persons with disability.

Sinasanay na rin ng Taguig ang mga tauhan ng 31 health centers para makapag-test sa mga nasasakupang barangay.

Noong Martes, umabot sa 197 kaso ng COVID-19 ang naitala sa Taguig. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.