Seniors na delikado sa coronavirus tuloy sa pagsisilbi sa komunidad

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 05:19 PM | Updated as of Apr 30 2020 06:55 PM

Nagsisilbi pa rin sa kanilang mga komunidad ang ilang senior citizen kahit delikado dahil mas madali silang madapuan ng coronavirus. ABS-CBN News

Hindi lahat ng frontliner ay matatagpuan sa ospital na nakasuot ng personal protective equipment. Marami rin sa kanila ay nasa lansangan at ang tanging proteksiyon laban sa virus ay face mask at taimtim na panalangin.

Sila ang mga tanod na araw at gabi ay nag-iikot, sumasaway, at inilalantad ang sarili sa panganib ng coronavirus disease (COVID-19) para maproteksiyunan ang kanilang mga kapuwa.

May 14 oras ang shift ni Rodrigo Balili bilang tanod sa Barangay 40 sa Caloocan City.

Ikinalulungkot aniya niya ang masakit na pananalita na natatanggap sa mga nagrereklamo sa mas pinahigpit na patakaran sa mga lansangan.

"Namumura kami, minsan nagbabanta pa sila. Para sa'tin din naman 'yan eh," ani Balili.

"Kahit pagod, laban," dagdag niya.

Watch more in iWantTFC

Tuloy din sa pagsisilbi bilang tanod sa Barangay 40 si Jessie Napay kahit senior citizen, na kabilang sa mga vulnerable o madaling tamaan ng COVID-19.

Kahit pinapatigil na ng iba, nangingibabaw pa rin sa kaniya ang kagustuhang magsilbi sa komunidad.

"Hindi tayo dapat matakot," ani Napay, na 65 anyos.

"Nakakatulong tayo sa kapwa natin at kapakanan ng bayan... habang tayo ay nabubuhay ay gawin natin ang the best sa buhay natin," aniya.

Health worker naman sa Barangay 48, Caloocan ang 57 anyos na si Janet Ponce, na aminadong minsan ay ayaw na niyang magtrabaho.

Pero sa tuwing nakikita niya ang dami ng mga kababayang patuloy na nalalantad sa banta ng sakit, nagbabago raw ang kaniyang isip.

"Mabigat din 'yong mga paa namin na humakbang sa tuwing umaga kasi ako meron akong inaalagaan sa bahay," ani Ponce.

Ayon sa public health expert na si Susan Mercado, dapat matanggap na ng publiko na hangga't walang bakuna, hinid mawawala ang banta ng COVID-19.

Lalong dapat pangalagaan ang senior citizens, kabilang ang matatandang tanod at health worker sa mga barangay.

"Ito na ang bagong mundo natin, tanggapin na po natin and let's just do our best," ani Mercado.

"I think we have to revisit yung mga duty na ginagawa ng mga senior na mga tanod," sabi ng doktora.

Hiling nina Balili, Napay at Ponce na unawain at sundin ng mga tao ang kanilang mga utos dahil bukod sa kaligtasan ng kanilang pamilya, gusto rin nilang matiyak ang kaligtasan ng buong komunidad. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.