Pagyanig naitala sa ilang bahagi ng Batangas

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 11:32 PM

MABINI, Batangas —Sunod-sunod na pagyanig ang naitala sa bayan ng Mabini, Batangas nitong Miyerkoles.

Naramdaman din ito sa ibang lugar sa Batangas province, partikular sa mga bayan na malapit sa Bulkang Taal tulad ng Agoncillo at San Nicolas.

Sa kabila ng sunod-sunod na pagyanig, sinabi ng Taal resident volcanologist na si Paolo Reniva na isa lang ang naturang lindol kanina at pinaka-episentro nito ay nasa bahagi ng Mabini.
    
“Yung pagyanig kanina ay kina-classify natin na volcano tectonic. So yung volcanic at tectonic po ngayon na bilang ay iisa lang po yun.”

Wala umano itong kinalaman sa aktibidad ng Bulkang Taal at posibleng may gumalaw lamang na local fault sa Mabini.

Sa kabila nito, kanila pa rin umanong sinusuri kung may epekto sa Taal ang nangyaring lindol. 

“So, pinag-aaralan pa nating mabuti kung ano po ang epekto nito sa Taal kung, or sa bulkan sa mga darating pang panahon, hindi pa po natin masasabi sa ngayon."

Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala lamang ng walong volcanic earthquakes sa bulkan ang Taal Volcano network, dahil umano ito sa rock fracturing sa ilalim nito.

Nananatiling nasa alert level 1 ang estado ng Bulkang Taal, kaya normal lamang umano na makakita ng mahina at puting usok o "fumarolic activity" sa main crater nito maging sa fissure vents sa bahagi ng Daang Kastila trail na sakop ng Talisay, Batangas.

Abnormal pa rin ang aktibidad ng bulkan, kaya pinag-iingat ang publiko sa phreatic o steam-driven na pagputok nito, mga pagyanig, minor ashfall, at usok lalo na sa mismong Taal Volcano Island na itinuturing pa rin hanggang ngayon na permanent danger zone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.