Pagpapauwi sa mga probinsiya sa stranded OFWs, hinahanapan pa ng paraan ng OWWA

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 09:16 PM | Updated as of Apr 22 2020 11:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA--Hindi nawawalan ng pag-asa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makauuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ang mga overseas Filipino worker na sumasailalim sa 14-day mandatory quarantine at mga stranded ngayon sa Metro Manila dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, patuloy silang humahanap ng paraan para matulungang makabalik sa kanilang mga probinsiya ang mga OFWs.

“We have been trying. That is one of the efforts we have been doing for the last 2 weeks, there have been failed attempts,” sabi ni Cacdac.

Mas malaki umano ang tiyansa ng mga OFW na taga-Luzon na makauwi sa kanilang mga probinsiya, ayon kay Cacdac.

"Kung sila ay taga-Visayas o Mindanao we would have to wait hanggang makapag-open up ang kanilang LGU," sabi ni Cacdac.

Aniya, may mga ginagawang hakbang na rin para magkaroon ng rapid testing sa mga nakatapos ng 14-day quarantine para tanggapin na rin sila ng mga LGU nila pati doon sa Visayas at Mindanao.

Dagdag ni Cacdac, dapat na klaruhin muna sa mga lokal na pamahalaan kung ano ang mga requirement nila para makauwi na ang kanilang OFW. 

“Many of them are imposing PCR (polymerase chain reaction) testing prior to departure here sa Manila,” sabi ni Cacdac sa panayam sa DZMM.

Base aniya sa resolusyon ng inter-agency task force on COVID-19 response, dalawa lamang ang mga bagay na hinihingi para makauwi ang mga OFW sa kanilang mga probinsiya.

“One is completion of the 14-day quarantine and a certificate that can be issued either by the DOH (Department of Health) or the LGU or the OWWA na completed 'yung 14-day quarantine,” sabi niya.

Higit 6,000 stranded OFWs ang tinutulungan ng OWWA na kasalukuyang naka-billet sa kalakhang Maynila. Karamihan umano sa kanila ay mula pa sa Visayas at Mindanao.

“We have not lost hope. We are really hoping na mapauwi na. They are all clamoring to go home,” sabi ni Cacdac.

Samantala, natugunan na aniya ang hinaing ng mga OFW na naka-quarantine ngayon sa mga barko.

Sa parehong panayam, sinabi ni Cacdac na nagtungo na sila sa barkong MV Pope John Paul II nitong nakaraang linggo para personal na alamin ang kalagayan ng mga OFW doon.

Sa pakikipag-diyalogo nila sa mga OFW, naipaabot sa kanila ang tatlong kahilingan ng mga ito na tungkol sa libreng pagkain, hygiene kits at face mask.

“Lahat na-deliver sa kanila. Naayos na ito since weekend. We have already coordinated with the catering service in terms of the free food,” sabi niya.

Tinatayang may 300 OFWs ang kasalukuyang nasa floating quarantine, ayon kay Cacdac.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.