Pagdagdag sa lugar na isasailalim sa 'hard lockdown' sa Maynila pinag-aaralan: Isko

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 12:18 PM | Updated as of Apr 22 2020 06:38 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magkaroon din ng 48 oras na "hard lockdown" sa iba pang distrito ng lungsod na may matataas na bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa alkaldeng si Isko Moreno. 

""It may...napaka-fluid ng sitwasyon natin and it may happen also to other areas of concerned in the City of Manila kasi po marami na po sa talaga ang nagre-request. In fact, ang general atmosphere sa Maynila ay talagang gusto nila once and for all talagang shutdown ang Maynila. But we still continue to consider other things because ang Maynila ay sentro ng komersyo," ani Moreno sa panayam sa DZMM. 

Aniya, maaari ring palawigin ang lockdown sa Sampaloc na isasailalim din sa nasabing patakaran simula Abril 23. 

Sa ilalim ng "hard lockdown" kailangang manatili sa loob ng bahay ang mga residente, may quarantine pass man o wala. 

Ayon pa kay Moreno, magsasagawa na rin sila ng mass testing kung saan magbabahay-bahay ang mga health worker para kuhanan ng swap sample ang mga hinihinalang may COVID-19. 

Una nang sinabi na isasailalim sa "hard lockdown" ang Sampaloc, na may pinakamaraming tala ng COVID-19 patients sa lungsod. Aarangkada ito alas-8 ng gabi ng Abril 23 hanggang alas-8 ng gabi ng Abril 25. 

Nasa 106 na tao na ang nagpositibo sa virus kaya nakiusap siya sa mga residente na sumunod dito. 

Sinabi rin ni Moreno na dadalhin sa holding area sa basketball court sa loob ng 48 oras ang mga mahuhuling lalabag sa hard lockdown. 

Giit din ni Moreno na sapat na ang binigay nilang oras para mamili ang kanilang mga kinasasakupan sa Sampaloc para paghandaan ang hard lockdown. 

-- May ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.