Mga katutubo sa Mt. Province may mga ritwal kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 06:54 PM | Updated as of Apr 22 2020 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MOUNTAIN PROVINCE — Karaniwang mga pulis ang nagsisilbing bantay sa mga kalsada ngayong ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon kontra COVID-19.

Pero sa bayan ng Besao at Bauko, bukod sa pulis ay eggshells ang bantay sa mga kalsada.

"The breaking of the chicken eggs, the shells are placed in a stick which is used for the signage installed in the different points of entries," ani Rosaria Bomas-ang, indigenous peoples mandatory representative ng Besao. 

Dinadasalan ang mga itlog sa pamamagitan ng ritwal na tinatawag nilang "tulod di anged."

"This is performed when there is a health epidemic, which we term as 'anged' such as diarrhea, measles, influenza and this COVID-19," sabi ni Bomas-ang.

Nagpapahiwatig daw ito na bawal pumasok o lumabas sa lugar na iyon.

Sa bayan naman ng Bontoc, "tikem" o isang uri ng puno ang ginagamit bilang pangharang sa kalsada.

Binabasbasan ang tikem sa ritwal na tinatawag nilang "changtey" o proteksyon mula sa malubhang sakit.

Nag-aalay ang mga elder ng native na manok at iniluluto ito kasama ng salted meat.

Ayon kay Mt. Province Governor Bonifacio Lacwasan, Jr. ay ganito ang ginagawa ng kanilang mga ninuno noon at naniniwala sila na mabisa pa rin ang pagsasagawa ng ritwal para makaiwas sa sakit.

Sabi niya, magkaiba man ang ritwal sa bawat bayan, iisa lang ang layunin nito: makaiwas sila sa sakit.

Higit sa mga ritwal, ang pagkakaisa at pagtutulungan umano ng mga taga-Mountain Province ang naging susi para makaiwas sila sa COVID-19, sabi ni Lacwasan.

Hanggang ngayon, wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.