Lalaking suspek sa pagpatay sa kapwa sekyu, arestado sa Angeles City

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 11:17 PM

ANGELES CITY — Matapos ang tatlong taong pagtatago, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group ng Angeles City police si Noel Peceniosa sa tinitirhan nito sa Barangay Anunas sa Angeles City nitong Miyerkoles.

Si Pecenio ang itinuturong pumatay sa kapwa nito security guard na si Hermenigildo Manuel noong taong 2017 sa pinagtatrabahuan nila sa bayan ng Magalang, Pampanga.

“Yung kasama niyang guwardiya, lagi silang nagkakainitan, isang gabi ayun pinagbabaril niya yung guwardiya, tapos inubos din niya yung bala ng 38 caliber na issue niya,” ani Police Capt. Leopoldo Cajipe Jr., hepe ng PNP-CIDG Angeles City.

Naaresto si Pecenio sa bisa ng warrant of arrest na in-issue ni Judge Zenaida Buan ng Regional Trial Court Branch 56.

Gumamit pa ng pekeng pangalan si Pecenio na muli pang nakapagtrabaho bilang security guard sa Angeles City.

“Masaya po ako kasi kung baga magkakaroon ng hustisya yung pagkamatay," ani Mary Flor Manuel, asawa ng biktima.

Nakakulong na ngayon sa PNP-CIDG Angeles ang suspek na nahaharap sa kasong murder at qualified theft

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.