Ilang magulang nanawagan ng panggatas sa anak sa gitna ng lockdown

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 04:12 PM | Updated as of Apr 24 2020 09:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa gitna ng krisis sa COVID-19, ilang magulang na walang hanapbuhay ang nanawagan ng ayuda para mapakain ang kanilang mga sanggol ngayong umiiral ang enhanced community quarantine kontra pagkalat ng coronavirus. 

Araw-araw ay maghapong nag-aabang sa gilid ng Mindanao Avenue extension ang isang grupo ng mga residente. Nakasulat sa placards nila ang paghingi ng pagkain at gatas para sa mga anak.

Tinitiis nila ang init ng pahanon at maghapong hintayan na madalas ay wala rin silang napapala.

Sabi ni Julito Pangga, wala pa kasi siyang natatanggap na ayuda mula sa gobyerno at wala rin siyang sahod ngayong lockdown na pambili sana ng pagkain at gatas para sa 2 taong gulang niyang anak.

"Mayroong naibigay sa barangay puro bigas at de-lata lang, wala namang perang binibigay. 'Yung sinasabing P8,000 eh hanggang ngayon wala pa. Eh 'yun sana ang inaasahan naming makarating dahil ang hirap kung may bibilhin na diaper tapos gatas ng anak ko eh wala," ani Pangga.

Isa pa sa mga namamalimos sa lansangan ang 8-buwang buntis na si Marilyn Cascete. Aniya, wala pa siyang nabibiling gamit para sa isisilang na anak dahil walang trabaho ang asawa ngayong may lockdown. 

"Ito po sobrang hirap dahil walang trabaho asawa ko, ito po malapit na akong manganganak... Saan ako kukuha ng panggastos namin?" ani Cascete. 

Panawagan ng mga residente sa pamahalaan ay sana matapos na ang lockdown nang makabalik na sila sa trabaho. Nakatakdang magwakas ang lockdown sa Abril 30 pero hindi pa tiyak kung muling palalawigin ito. 

MILK BANK

Ayon sa head ng Quezon City General Hospital (QCGH) milk bank, kumonti ang mga donasyon dahil sa mga limitasyon ng lockdown. 

Pero nakapag-imbak sila ng 10 litro ng human pasteurized milk na puwedeng ipamahagi. Ilan umano sa mga nabigyan ng gatas ay mga nanay na tinamaan ng COVID-19.

"Nagkaroon na po kami ng mothers na nag-deliver, nanganak, na 'yung iba talaga wala pang kakayanan na mag-breastfeed kasi puwede talagang matindi 'yung pagtama ng sakit sa kanila so ito po 'yung babies nila ang talagang priority namin na bigyan ng gatas dito po sa ospital," ani Dr. Shahani Duque, pinuno ng naturang milk bank. 

Ayon kay Duque, bukas naman ang mga milk bank sa mga pangangailangan lalo na sa mga komunidad na maraming bata.

Kaya daw ng QCGH milk bank na mamigay ng 200 ml ng gatas kada araw sa bawa't bata basta't dadaan sa proseso.

Gayunpaman, ilang nag-donate ng formula milk ang pinagalitan ng Department of Health dahil sa paglabag sa Executive Order 51 o Breastmilk Code of the Philippines. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.