Ilang eksperto nagbigay-opinyon kung dapat palawigin o tapusin ang lockdown

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 05:45 PM

MAYNILA — Sa Huwebes ay inaasahan nang magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang magiging kapalaran ng ipinatutupad na lockdown sa Luzon kontra pagkalat ng COVID-19.

Ilan sa mga posibleng ipatupad ay ang pag-lift, pag-extend, o pag-modify sa enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, na matatapos na sana sa Abril 30. 

Pero ayon sa National Task Force against COVID-19, hindi muna dapat balik sa normal dahil baka muling pumalo ang bilang ng nagkakasakit.

"Ang tanong po, kaya na ba nating harapin ang sitwasyong ito? We cannot rush into normalcy. Kailangan, dahan-dahan at calibrated ang ating mga hakbang.... Kinakailangang ipagpatuloy ang mas maigting pang pagpapatupad ng kasalukuyang ECQ," ayon sa pinuno ng task force na si Carlito Galvez, Jr.

Sa pag-aaral ng University of the Philippines, tila naabot na ng Metro Manila ang peak ng bilang ng dinapuan ng COVID-19. 

"Ang sabi po ng ating mga modelers at saka ng epidemiologists ay 'yung ating ECQ na nagsimula noon pang Marso pa ay medyo epektibo. Yan po ang kailangan natin para pigilan ang spread ng covidvirus," ani Mahar Lagmay ng UP Resilience Institute.

Simula Abril 7, napako sa higit 100 hanggang 200 ang nadadagdag sa nagpopositibo sa COVID-19. 

"Ang nangyayari sa atin, ang nadadagdag lang everyday ngayon is about 200 cases. So 'yun 'yung tinatawag na flat na curve because bagama't meron pa ding nadadagdag na number of cases everyday, hindi ito domodoble o tumitriple katulad nang makikita mo kung wala ka talagang ginawang ECQ," ani Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng UP National Institutes of Health. 

Para mabalanse ang karapatang mabuhay at karapatang maghanapbuhay, may option ang Pangulo na panatilihin pa rin ang community quarantine pero medyo luluwagan.

"Yung pinag-aaralan ngayon ng IATF na yung aming gagawin after April 30 will be what is called as a modified community quarantine or sort of partial lockdown. Kasi nga we saw this sa ibang bansa," ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

"Hindi biglaan, at magsusuot pa rin tayo ng mask, social distancing pa rin tayo, baka wala pa ring school yung mga bata, baka wala pa ring public transport. So unti-unti rin dapat," sabi naman ni Ted Herbosa, national adviser to the National Task Force against COVID-19. 

Nitong Miyerkoles, nasa 6,710 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, 693 dito ang nakarekober habang 446 ang nasawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.