Higit 700 manggagawang stranded sa Boracay, hindi makauwi dahil sa higpit ng border restrictions

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 09:10 PM

BORACAY ISLAND - Mananatili muna sa Boracay ang mahigit 700 na stranded workers sa isla habang wala pang desisyon mula sa opisyales ng mga probinsya sa Western Visayas kung paano sila makauuwi. 

Ayon kay Jona Solano ng Public Employment Services Office (PESO) ng Malay, Aklan, nagpapatuloy pa ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ng mga bayan na uuwian ng mga stranded workers kung sila ay papapasukin ba o isasailalim sa quarantine.

Maalalang maraming manggagawa ang hindi nakauwi mula nang ipatupad ang lockdown sa Boracay noong buwan ng Marso.

Nananatiling sarado ang mga border ng Capiz, Antique at Iloilo sa mga lugar na may record ng confirmed case ng COVID-19.

"Antique and Capiz, hindi talaga sila tumatanggap ng local workers natin hangga't hindi nai-lift ang enhanced community quarantine. Ganoon din po sa Capiz, we don't advise for Capiznons to go home as well," ani Solano sa isang panayam Miyerkoles.

Ayon pa kay Solano, malaking tulong sana ang COVID-19 Adjustment Measures Program ng Department of Labor and Employment para sa mga manggagawa pero 60 establisimyento na may 2,000 empleyado pa lamang ang nakakuha ng benepisyo sa programa.

"Especially sa mga formal workers sa hotels, talagang hinihintay nila ang approval ng DOLE ng CAMP," ani Solano.

Aabot sa 3,000 establisimyento ang nasa Malay.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 6, nagpapatuloy pa ang pagproseso nila ng mga application na naipasa sa ahensya bago ang Abril 15 na deadline.

"As long as we have the availability of funds, basta may funds kami we will process," ayon ka Niezel Sabrido, tagapagsalita ng DOLE Region 6.

Ayon kay Solano, isinama sa makatatanggap ng relief packs ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga stranded workers.

Ipinasiguro naman ng Malay PESO at lokal na pamahalaan na tutulong sila sa abot ng kanilang makakaya sa oras na mabigyan na ng "go signal" na umuwi ang mga stranded na manggagawa sa kani-kanilang probinsya.