Hanggang 20,000 PPE kaya nang gawin ng local manufacturers kada araw

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naopsital ang ina ni Pia Ocampo dahil sa pulmonya pero 5 araw pa lang, P100,000 na ang bill nila dahil siningil sa kanila ang personal protective equipment (PEE) ng mga nurse at doktor na nag-asikaso sa nanay.

Nasa P4,700 umano ang singil kada nurse kada papasok sa tent, 3 beses sa isang araw. Bumaba ito sa P1,800 kada bisita noong nailipat ang ina ni Ocampo sa kuwarto.

"Kaya lumobo nang husto ang bill namin dahil sa PPE na 'yon. Bakit kailangan i-charge sa pasyente, eh obligayson ng ospital 'yon?" ani Ocampo.

Sumulat na sina Ocampo sa Department of Health (DOH) para ireklamo ang nasabing ospital.

Aminado ang DOH na kinukulang ang PPE sa mga ospital.

Ngayong Miyerkoles, ibinigay na sa Philippine General Hospital (PGH) ang PPE coveralls na gawa ng mga local manufacturer.

"In our desperation to protect our own personnel, we were paying P1,600 per suit for our supplies," ani PGH Director Gerardo Legaspi.

Kung bibilhin abroad, aabot sa P1,600 ang presyo ng PPE coverall, pero ibinebenta ito ng mga manufacturer sa halos P700.

Nasa 10,000 PPE coverall ang kayang gawin ngayon ng mga lokal na manufacturer pero puwede itong madoble kung gagawing 2 shifts ang trabaho.

Mas marami pa rin ang kayang gawin kung madadagdagan ang manufacturers na lilipat sa paggawa ng PPEs.

"We just put that up to 7 days. In double shifts, you're looking at one group producing already at 20,000 to 25,000," ani Maritess Jocson-Agoncillo, executive director ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines.

"If you have 4 of them, kaya namin 100,000 a day," dagdag niya.

Kasali sa PPEs ang surgical at N-95 mask kaya hinikayat ng Department of Trade and Industry ang mga negosyante na gumawa ng sangkaterbang mask.

Kahit kasi mawala ang enhanced community quarantine, magiging parte na ng buhay ng mga Pilipino ang pagsusuot ng face mask.

"We really encourage more producers," ani Trade Secretary Ramon Lopez.

Sa ngayon, nasa 10 milyon piraso ng surgical mask kada buwan ang kayang gawin sa bansa pero inaasahang tataas ito sa mga susunod na buwan.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.