Grupo ng mga kabataan na nanloloob ng mga bahay sa Butuan, timbog

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 07:50 PM

BUTUAN CITY - Arestado ang limang kabataan matapos magnakaw ng mga gadget gaya ng laptop, digital camera, mga relo at pagkain mula sa isang bahay sa Employees Village, Barangay Libertad sa lungsod na ito nitong Lunes.

Nahuli si Benjie Sibayan Jr. at apat na kasamang menor de edad sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

May nagsumbong na witness sa kinaroroonan ng mga suspek matapos ang pagnanakaw, na naging dahilan ng kanilang pagkakatiklo nitong Martes.

Mahigit P200,000 ang kabuuang halaga ng mga natangay na gamit.

Narekober rin ng mga pulis ang ilang gadget na ninakaw, na itinago ng mga suspek sa isang natigang na balon.

Ayon sa Butuan City Police Station 3, may record na sa pagnanakaw ang isa sa mga suspek na menor de edad.

"Itong mga batang ito at lider nito, may record na ng pagnanakaw sa atin," ani Police Lieutenant Abel Bulawan, ang tagapagsalita ng Butuan City Police Station.

Dagdag pa ni Bulawan, ang grupong ito rin ang itinuturong responsable sa serye ng nakawan sa lungsod.

Noong Sabado, sila rin umano ang nanloob at nagnakaw sa bahay ng pamilyang De Bord, kung saan nilimas din ang pang-isang buwan sana nilang konsumo na pagkain.

“Malamang nga may mga kasama pa itong mga batang ito. Sana mahuli na sila kasi nakakatakot rin na balikan kami," sabi ni Jil Madel De Bord.

Kinasuhan na ng robbery si Sibayan habang itinurn-over naman sa lokal na Department of Social Welfare and Development ang apat na menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.