Floating market sa Pampanga, umarangkada na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 02:13 AM | Updated as of Apr 22 2020 08:19 AM

Watch more in iWantTFC

Umarangkada na ang floating market sa ilang coastal towns sa Pampanga nitong Martes.

Sa bayan ng Apalit, isang lantsa ang nakalutang sa ilog malapit sa mga Barangay Capalangan kung saan sariwa ang mabibiling isda, at may gulay, baboy at manok ding pagpipilian.

Sa lantsa, ipinatutupad din ang physical distancing. Sampung mamimili lang ang pinapayagan para maiwasan ang overloading.

Naka-face mask at gloves ang mga nagtitinda, pati na rin ang mga pupuntang mamimili.

Isinusulong na rin ang floating market sa ibang coastal towns sa kahabaan ng Pampanga River. 

Inisyatiba ng mga munisipyo sa Pampanga na ilapit sa mga tao ang mga bilihing kailangan sa araw-araw tulad ng pagkain.

Una nang umarangkada ang "palengke on wheels" sa Pampanga bago matapos ang buwan ng Marso sa kasagsagan ng pagpapatupad ng lockdown sa lalawigan dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon.

Susunod din ang mga floating market sa ipinatutupad na market hours sa bawat bayan.

Paraan din ito para maiwasan ang pagdayo ng mga residente sa ibang baryo at bayan sa pamimili para makatulong na matigil ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).