DSWD nagpaalala: Gamitin nang tama ang mga nakukuhang cash aid mula sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 12:30 PM | Updated as of Apr 22 2020 02:29 PM

MAYNILA - Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development sa mga benepisyaryo ng social amelioration program na gamitin sa tamang paraan ang nakukuhang tulong na pinansiyal. 

Ani DSWD spokersperson director Irene Dumlao, hindi dapat ginagamit sa bisyo at iba pang maling paraan ang ayudang natatanggap mula sa pamahalaan. 

"Pinaalalahanan ang ating mga kababayan partikular na po yung SAP beneficiaries na gamitin po natin sa mga pangunahing pangangailangan ng ating pamilya ito pong ayuda na natatanggap natin sa pamahalaan," aniya. 

Ang SAP ay ang ayudang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mahihirap na pamilyang umaaray sa epekto ng enhanced community quarantine sa kanilang mga hanapbuhay. 

Maaalalang nagbabala si Sen. Bong Go nitong Martes sa mga naglulustay ng kanilang mga ayuda, kasunod ng mga napapaulat na mga nahuhuling pinangsasabong o kaya pinang-iinom ang mga ito. 

Una nang inihayag ng ahensiya na may kaunting pagbabago sa mga alituntunin tungkol sa implementasyon ng SAP. 

Ayon kay Dumlao, mahigit 1,300 na mga lokal na pamahalaan na ang nakapaglipat ng kanilang pondo. 

Karamihan aniya rito ang nagsasagawa na ng payout o pamimigay ng ayuda. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.