DOTr sinisilip ang 'partial operation' ng bus, tren sa gitna ng banta ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 04:01 PM | Updated as of Apr 22 2020 07:30 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) kung maaaring manumbalik ang operasyon ng mga bus at tren sa gitna ng krisis sa COVID-19. 

Ani Transportation Secretary Arthur Tugade nitong Miyerkoles, nagpasa sila ng proposal sa inter-agency task force on COVID-19 (IATF) na kung maaari ay mag-operate na ang mga bus at tren, pero hindi tulad ng dati. 

"Kung papayagan po ng IATF, magpa-partial operability tayo pero 'yung operational capacity will be abbreviated at mababawasan upang ma-maintain ang mga patakaran ng Department of Health (DOH) sa social distancing," sabi ni Tugade. 

Kasalukuyang napapailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon at kaakibat nito ang suspensiyon ng mga mass transportation upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. 

Sabi ni Tugade, kung papayagan ay 30 porsiyento lamang ng normal na kapasidad ng MRT, LRT 1 at 2, at PNR ang maaaring isakay para mapanatili ang physical distancing. 

Sa huling ulat ng DOH, nagtala na ng 6,599 COVID-19 cases ang Pilipinas, 437 ay namatay habang 654 ang nakarekober. —Ulat ni Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.