PatrolPH

DILG pinagpapaliwanag ang barangay sa Caloocan dahil sa quarantine violations

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 01:55 PM | Updated as of Apr 22 2020 06:43 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Maraming nakatambay sa kalsada, walang tigil na pagdaan ng mga motorsiklo, at mayroon pang mga taong nagpapalipad ng saranggola — ilan lamang ang mga ito sa mga eksnea sa Bangayngay Street sa Barangay 12 sa Dagat-dagatan, Caloocan.

Noong isang gabi naman, inabot pa ng alas-10 ang residenteng si Pablito Monsales sa bilyaran.

"Napasarap po saka may kaunting tagay-tagay," ani Monsales.

Hindi na mabilang ang mga hinuli sa barangay dahil sa paglabag sa curfew at iba pang patakaran sa enhanced community quarantine, na ipinatupad sa buong Luzon para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19). Bilang parusa, sapilitang pinag-eehersisyo ang mga nahuhuli.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Barangay Chairperson Alfredo Dacles kung bakit tila hindi nasusunod ang quarantine protocols sa kanilang lugar.

Sa panayam ng ABS-CBN News, iginiit ni Dacles na nagbabantay naman sila sa kanilang lugar pero lumalabas din ang mga tao kapag hindi na sila nakatingin.

"Ayaw nilang maniwala na may epidemya tayo," sabi ni Dacles.

"Katuwrian nila, 'Kami naman magkakasakit, hindi kayo,'" aniya.

Nanawagan si Dacles sa militar na magpadala ng mga sundalo sa kanilang lugar para mapasunod ang mga residente.

Pero hindi lahat ng nahuhuli ay maituturing na pasaway, tulad ng mga miyembro ng pamilya ni Jolina Garcia, na halos araw-araw hinuhuli ng mga awtoridad.

"Dito na kami natutulog. Wala kaming bahay. Natatakot po ako, baka makulong, eh walang pantubos," ani Garcia. 

Sa kalsada pinanganak at lumaki si Garcia at kahit gusto niya mang manatili sa loob ng bahay, wala naman umano siyang uuwian.

Ayon naman kay Maricris Baytos, hindi naman maiiwasan ng kaniyang pamilya na lumabas para maghanap ng mapagkakakitaan, lalo at single mother siya at 7 ang pinapakain na anak.

"Mahirap talaga kami. Hindi naman puwedeng laging ihingi ng relief 'yong pangangailangan namin," ani Baytos.

Desidido ang mga opisyal ng barangay na ipakulong ang mga lalabag sa quarantine.

Nakikipag-ugnayan na rin si Dacles sa lokal na pamahalaan ng Caloocan at Department of Social Welfare and Development para matulungan sina Garcia, Baytos, at ibang walang bahay at kabuhayan. -- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.