Batang nag-birthday nagsuot ng plastik para mayakap ang amang pulis na COVID-19 frontliner

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 01:01 AM | Updated as of Apr 22 2020 07:03 PM

Kuha ni Dr. Gabby Palacios

NEGROS OCCIDENTAL--Hindi hadlang ang kasalukuyang COVID-19 pandemic para sa isang ama na pulis na hangad ay makapiling saglit ang kaniyang pamilya.

Sa larawang kuha ni Dr. Gabby Palacios, kita ang madamdamin pagtagpo ng kaniyang mister na si Police Chief Master Sgt. Raphael Palacios nang sorpresahin nito ang kanilang dalawang anak na babae sa lungsod ng La Carlota.

Lunes nang ipinagdiwang ng pamilya ang ikatlong birthday ng kanilang anak na si Gabrielle Heart sa bahay ng kanilang lola.

Kaya naman pansamantalang pinayagan si Raphael ng Police Station 9 sa Bacolod City na makapiling ang kaniyang pamilya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Napaluha ang mga bata na gustong mayakap ang kanilang amang napalayo sa kanila ng isang buwan simula nang naipatupad ang enhanced community quarantine sa probinsiya.

Kaya naghanap ng plastic ang kanilang ina na ipinambalot bago sila nayakap ng mahigpit ng sabik nilang ama.

Habang kumakain ay minabuti ni Raphael na huwag nang pumasok sa loob ng bahay habang tinatanaw ang kaniyang pamilya.

Agad nakatulog ang mga bata at nagising nang hindi man lang nakapagpaalam sa kanilang amang bumalik sa pagbabantay ng border checkpoint sa Bacolod.

Kuha ni Dr. Gabby Palacios

Maigsi man ang mga sandaling nakapiling ang kaniyang mga anak, pero kuwento ni Raphael sa ABS-CBN News ay saglit nitong napawi ang kaniyang pagkasabik sa mga anak na madalas niya lang nakakausap online.

Inspirasyon niya raw ang mga anak na siyang nagpapatibay sa kaniya upang gampanan ang serbisyo bilang isang pulis.

Ang misis ni Raphael ay isang chief of hospital na kasalukuyan nagtatrabaho sa provincial health office.

Kaya minabuti nilang maiwan ang mga anak sa lola nila sa La Carlota upang mailayo sila sa COVID-19.

Umaasa at pawang nanawagan ang mag-asawa sa publiko na manatili sa kanilang mga bahay hanggang sa malampasan ng bansa ang COVID-19 at nang mabigyan din ng saysay ang kanilang pagsakripisyo bilang mga frontliner.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.