Alumni ng Ateneo high school, bumuo ng fundraising drive para sa frontliners

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 02:12 PM | Updated as of Apr 22 2020 02:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Gumawa ng paraan ang isang grupo ng mga alumni ng Ateneo De Manila University - High School (AHS) batch 2017 para makatulong ngayong may krisis sa coronavirus disease 2017 (COVID-19). 

Nabuo ang AHS Batch 2017 Frontliners Fund Drive para magbigay ng plataporma sa mga estudyante na mag-donate o maghanap ng magdo-donate ng mga personal protective equipment para sa mga health worker, ayon sa project head na si Kyle Bigkas. 

“Most of us po ang ginagawa po namin we’re actively looking ng mga taong tumutulong gaya ng paggawa ng mga publication material pero may mga sariling team na naghahanap ng mga tutulong,” ani Bigkas sa programang "Lingkod Kapamilya" ng DZMM. 

Sa proyektong ito ginugugol ng mga AHS alumni, na nasa kolehiyo na ngayon, ang libreng oras matapos masuspinde ang klase dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon. 

“Since wala po kaming ginagawa sa bahay, gumawa kami ng sariling fundraiser tapos kinakaya naman po siya,” ani Bigkas, na nag-aaral ngayon sa parehong unibersidad. 

Magmula Abril 18, nakalikom na ng mahigit P56,000 ang grupo para sa kanilang fundraising drive. 

Nagpasalamat din si Bigkas sa mga tumulong sa pagbuo ng proyekto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.