46 Negrenseng na-stranded sa Maynila, nakauwi na

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 07:49 PM | Updated as of Apr 22 2020 09:07 PM

Nakabalik na sa Negros Occidental ang nasa 46 na residenteng na-stranded sa Metro Manila dahil sa pagpapatupad ng lockdown sa Luzon.

Sakay ng isang sweeper flight, lumapag sa Bacolod Silay Airport ang mga na-stranded na Negrense Miyerkoles ng hapon.

Mula sa airport, isinakay sila sa bus ng Philippine Coast Guard patungo sa bayan ng E.B. Magalona kung saan sila ika-quarantine nang 14 na araw sa ginawang healing center ng lalawigan.

Martes pa nakatakdang umuwi ang mga residente ngunit hindi natuloy dahil hindi agad dumating ang permit na inaprubahan ng National Inter-Agency Task Force para sa pag-uwi ng mga na-stranded na residente.

Sa kabuuan, nasa 216 ang na-stranded na residente galing sa iba't ibang lalawigan ang nakabalik sa Negros Occidental sa ginawang koordinasyon ng Humanitarian Response Cluster ng lokal na Inter-Agency Task Force.

Unang nakauwi ang 85 stranded passengers galing sa Clark Airport sa Pampanga. Sumunod naman ang 36 stranded passengers mula sa Batangas Port.

Noong nakaraang linggo, nakauwi naman ang mga pasaherong na-stranded sa Cebu.

Ilan sa mga nakabalik sa lalawigan ay dinala sa Mambucal Resort sa bayan ng Murcia para sa 14-day quarantine.

Sagot ng lalawigan ang pagkain ng mga nasa quarantine facility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.