4 anyos na bata, nagpositibo sa COVID-19 sa Davao region

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 12:55 AM | Updated as of Apr 22 2020 03:06 AM

DAVAO CITY- Isang 4 anyos ang nagpositibo sa COVID-19 sa Davao region, ang pinakabatang tinamaan ng sakit sa buong rehiyon, ayon sa Department of Health (DOH).

Ibinunyag ng DOH Region XI sa isang virtual presser Martes ng hapon na kabilang sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa Davao region ang bata.

Sa huling report ng DOH XI, may 5 bagong kaso ng COVID-19 sa Davao region. Umakyat na sa 113 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon.

Isa lang ang gumaling nitong Martes pero wala namang naiulat na namatay.

Samantala, ang pinakamatandang nagpositibo ng COVID-19 sa rehiyon ay 82 taong gulang.

Sa lahat ng mga kumpirmadong kaso, nasa 70 porysento ang lalaki habang 30 porysento mga babae.

"Ibig sabihin po nagpapatuloy na mayroon na, nandito pa rin ang disease
, na mayroon pa ring transmission na nangyayari pero 'di po tayo dapat magsabi na walang resulta ang ating ECQ dahil po sa ECQ ang mga kaso natin ay hindi talaga tumaas kumpara sa una," ani Dr. Maria Elenor Concha, Chief Training Officer ng Southern Philippines Medical Center.

Samantala, inanunsiyo ng City Government of Davao na may ilang purok sa dalawang barangay sa Davao City ang magpapatupad ng lockdown dahil may naitala na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lugar.

Isasailalim sa lockdown ang Purok 3, 4 at 7 sa Barangay 23-C Mini Forest Boulevard simula ngayong Martes ng gabi.

Nasa mahigit 16,000 ang populasyon ng Barangay 23-C.

Sa panayam kay Mayor Sara Duterte Carpio sa Davao City Disaster radio kaninang hapon, sinabi nito na ang mga naitalang bagong kaso ay galing sa Daliao at Poblacion area.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng sakit sa lungsod, pinayuhan ng alkalde ang publiko na iwasan ang paglabas ng bahay.

"We have bad news. We have increasing number of positives daily after atong days nga walay nag positive. We need people to stop moving, stay inside your houses and limit your exposure sa gawas," ani Duterte-Carpio.

Isang purok naman sa Barangay 21-C ang isasailalim rin sa lockdown.

May 56 na indibidwal mula sa Barangay 23-C ang dinala sa PUI center para i-quarantine.

- ulat nina Claire Cornelio at Andoreena Causon, ABS-CBN News