2 umano'y tulak na napako sa bahay dahil sa curfew, arestado sa Pasay buy-bust

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 05:44 AM

Hindi napigilan ng enhanced community quarantine ang pagbebenta umano ng shabu ng lalaki at babae na inaresto ng drug enforcement unit ng Pasay City Police sa buy-bust operation nitong Martes ng gabi. 

Hinuli ang 36 anyos na target na si alyas Buyong at ang kasabwat na 40 anyos na si alyas Joan sa tinitirhan nilang bahay sa Ventanilla St., Barangay 124. 

Mahigit 20 gramo o P136, 000 halaga ng shabu ang nasabat sa kanila. 

Ayon kay Police Capt. Deni Mari Pedrozo, hepe ng drug enforcement unit, dati nang sinubukang makipagtransaksyon ng mga pulis sa target pero mahirap matiyempuhan ito. 

Nagkaroon ang pulis ng pagkakataon nang magka-quarantine at curfew dahil sa bahay na pinapupunta ng mga suspek ang kanilang mga parokyano at drug runner. 

"Kailangan na nila ng pera kaya kahit sinong customer papatulan nila, unlike before na maingat sila," ani Pedrozo. 

Dagdag ng pulis, posibleng gumagamit ng quarantine pass ang mga runner ng suspek para makapagdala ng droga sa kanila tuwing araw. 

Tuloy naman ang pagbebenta nila ng shabu kahit gabi pero sa loob na lang ng barangay. 

Bukod sa shabu at drug paraphernalia, nakuhaan din ng caliber .22 na baril si alyas Buyong. 

Nahaharap siya sa kasong illegal possession of firearms bukod sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na isasampa sa dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.