Arestado ang 2 guwardiya ng Fish Port Complex sa Iloilo City noong gabi ng Martes matapos magpaputok ng baril, na naging dahilan ng pagtamo ng minor injuries ng 9 na tao.
Nagkagulo pasado alas-8 ng gabi sa fish port matapos kumpiskahin ng pamunuan, kasama ang mga guwardiya, ang paisa-isang kilong isda ng mga nagtitinda, ayon sa pulisya.
Ipinagbabawal muna sa fish port ang pagbebenta ng paisa-isang kilo ng isda para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at maipatupad nang maayos ang physical distancing. Ang pagbebenta ng binanyerang isda lamang ang pinapayagan.
Sa video na nakuhanan ng isang concerned citizen sa gulo, mapapanood na pinalibutan ng mga tao ang 2 guwardiya. Ilang sandali ay maririnig sa video ang pagputok ng mga baril.
Nabatid na sa sahig nagpaputok ng baril ang 2 guwardiya pero nauwi ito sa pagkakaroon ng minor injuries ng 9 tao, kabilang ang isang menor de edad, ayon kay Police Maj. Francisco Paguia, commander ng Iloilo City Police Station 1.
Nakumpiska sa mga guwardiya ang issued firearms nila.
Maaaring humarap sa kasong physical injuries o frustrated homicide ang 2 guwardiya.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga nagtitinda at bumibili ng isda sa fish port na sumunod sa mga patakaran ng quarantine. -- Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, krimen, frustrated homicide, physical injuries, rehiyon, Iloilo City, fish port, Iloilo Fish Port Complex, enhanced communtity quarantine, guwardiya, TV Patrol, Joyce Clavecillas