Pampanga nagpapasaklolo para agapan ang mga natabunan sa guho

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2019 09:30 PM | Updated as of Apr 22 2019 10:35 PM

MAYNILA (UPDATE) -- Nanawagan ng tulong ang Pampanga provincial government para maisalba ang maaaring mga naiipit sa gumuhong gusali sa Porac matapos ang 6.1 magnitude na lindol hapon ng Lunes. 

Nakapagbilang na umano ng 8 patay mula sa iba't ibang panig ng probinsiya, ayon kay Pampanga Gov. Lilia Pineda, na nagsabi sa panayam ng DZMM na naghihintay sila ng tulong para sa natabunan ng gumuhong gusali.

Gumuho ang 4 na palapag na Chuzon building sa Porac; nasa pinakababa nito ang isang supermarket, ayon kay Pineda. Ipinagpapasalamat niya ang pangako ng Metropolitan Manila Development Authority na magpadala ng mga eksperto sa Porac alas-9 ng gabi para tumulong sa search and rescue sa naturang guho. Mayroon ding mga rescue dogs na paparating para tumulong. 

May mga naririnig na mga humihingi ng tulong mula sa guho, ayon kay Pineda. Mayroon na ring naputulan ng paa para lamang mailigtas. 

May ilang lugar na kung saan bumalik ang ilaw, pero hindi pa sa buong Pampanga. Sarado naman dahil nasira ang check-in counter ng Clark International Airport. Kita rin ang mga bitak sa kalsada. 

May mga nasira ring lumang simbahan sa Porac at Lubao. 

Nakaapekto rin sa rescue operations ang kawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng lalawigan, ani Pineda.

Pinalikas ang mga tao sa isang mall sa Makati matapos maramdaman ang magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon. George Calvelo, ABS-CBN News

Samantala, dahil sa lindol, nahinto ang trabaho ng ilang establisimyento at nagkansela ng pasok ang mga paaralan sa Metro Manila.

Sa Pasig City, pinalikas ang mga empleyadong nagtatrabaho sa mga gusali sa mga kalsada ng Sapphire, Garnet, at kahabaan ng Ortigas Avenue.

Ayon kay Ritchie Angeles, hepe ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi agad pinabalik ang mga occupant ng mga gusali dahil patuloy ang pag-inspeksiyon kung may pinsala ang mga gusali.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi rin agad pinabalik sa kani-kanilang mga unit ang mga residente ng isang condominium sa Pasig dahil sa takot na magkaroon ng aftershocks.

Nagsuspende rin ng operasyon ang mga mall para bigyang daan ang inspeksiyon ng kani-kanilang mga gusali gaya ng U.P. Town Center at TriNoma sa Quezon City.

Nagkansela rin ng klase ang ilang unibersidad sa Metro Manila kasunod ng lindol. 

Kabilang sa mga nagsuspende ang Far Eastern University, University of the Philippines-Diliman, De La Salle University-Manila, Lyceum of the Philippines University-Manila, at San Beda College. 

May mga paaralan na ring nagsuspende ng klase para sa Martes, Abril 23.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales bandang alas-5:11 ng hapon.

-- May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.