PatrolPH

Mga mamamahayag, abogado dawit sa 'Oust Duterte' plot: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2019 04:02 PM | Updated as of Apr 25 2019 10:08 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang matrix na inilathala sa isang diyaryo, na nagdadawit sa mga mamamahayag at abogado sa umano ay planong pagpapatalsik sa pangulo, ayon sa Malacañang. 

Sa press conference, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ilalabas din dapat niya ngayong Lunes ang "Oust Duterte" matrix na naunang inilathala sa pahayagang Manila Times.

Pero nilinaw ni Panelo na hindi ang Palasyo ang nagbigay ng matrix sa nasabing pahayagan bago ang press conference.

"The source of that is from the Office of the President. It’s from the President himself," sabi ni Panelo.

"I was supposed to release it today," ani Panelo.

Banner story nitong Lunes ng Manila Times ang umano ay istorya ukol sa malakihang planong patalsikin sa puwesto si Duterte, na isinulat ni Manila Times chairman emeritus Dante Ang. 

Sa artikulo, ipinakita ang isang matrix ng mga mamamahayag at abogado na umano ay tinatrabaho ang pagbagsak ng administrasyon sa pamamagitan ng paglabas ng mga "fake news" o pekeng balita para sirain si Duterte.

Kasama sa mga idinawit si Ellen Tordesillas ng Vera Files, ang media organizations na Rappler, at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), at grupo ng mga abogado na National Union of Peoples' Lawyers (NUPL). 

Iniuugnay din ng matrix ang mga nabanggit kay "Bikoy," ang personalidad na nasa likod ng mga viral video na nag-akusa sa ilang miyembro ng pamilya Duterte na nakikinabang umano sa mga sindikato ng droga.

Wala namang balak ang Palasyo na kasuhan ang mga dawit sa matrix.

"We just want them to know that we know," ani Panelo.

"Hayaan lang ng Palasyo ang mga dawit sa matrix pero kapag gumawa raw ang mga ito ng mga bagay na labag sa batas, ibang usapan na 'yon," ani Panelo.

MGA IDINAWIT, BUMUWELTA

Sa isang pahayag, sinabi ni Tordesillas na kung ganoon lamang ang klase ng intelligence report na pinagbabasehan ni Duterte ng mga polisiya, tiyak na mas malaki ang problemang haharapin ng bansa.

"If this is the kind of intelligence report that the President gets and bases his actions and policies on, the country is in big trouble," ani Tordesillas.

Binatikos naman ng news website na Rappler ang ulat ng Manila Times.

Isang malaking halimbawa ang istorya ng Manila Times kung paano hindi dapat magsulat ng investigative report o kahit simpleng balita, ayon sa Rappler.

"This 'matrix' story is an example of how not to write an investigative report — not even everyday straight news," anang Rappler.

Inilarawan naman ng mamamahayag na si Inday Espina-Varona — na kabilang sa matrix — ang ulat bilang "hogwash" o walang katuturan.

Tinawag namang "rubbish" o basura ng NUPL ang mga paratang na dawit sila sa ouster plot, lalo at abala raw sila sa pagtatanggol sa karapatang pantao. 

Pinabulaanan din ng PCIJ ang pagkakadawit sa ouster plot.

Noong 2017, itinalaga ni Duterte ang nagsulat ng artikulo na si Ang bilang special envoy for international public relations. 

Dati ring nagsilbing publicist ni dating pangulo at ngayo'y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Ang.

Hindi ito ang unang beses na naglabas ang Palasyo ng impormasyon ukol sa umano ay ouster plot o planong pagpapatalsik laban kay Duterte.

Noong nakaraang taon, lumutang ang "Red October" plot na isa rin umanong plano para patalsikin si Duterte ng kaniyang mga kritiko. 

--May ulat nina Arianne Merez at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.