Ilang bahagi ng Luzon niyanig ng magnitude 6.1 lindol

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2019 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Niyanig ng magnitude 6.1 lindol nitong hapon ng Lunes ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya, na itinuturong dahilan ng pagkasawi ng 2 tao sa Pampanga, ayon sa gobernador ng probinsiya.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales bandang alas-5:11 ng hapon.

Sanhi ng lindol ang paggalaw ng mga bitak sa plates sa ilalim ng lupa.

Labimpitong aftershocks ang naramdam sa iba-ibang bahagi ng Kamaynilaan at mga karatig-lalawigan alas-5:33 ng hapon.

Ayon sa Phivolcs, kadalasang kapag 6.1 magnitude na lindol ay 100 aftershocks ang normal na aasahan.

Intensity V na lindol ang naramdaman sa San Felipe, Zambales; Malolos at Obando, Bulacan; Quezon City; Lipa, Batangas; Manila City; Abucay, Bataan; Valenzuela City; at Magalang, Pampanga.

Intensity IV naman sa Pasig City; Makati City; Caloocan City; Meycauayan at San Jose Del Monte, Bulacan; Floridablanca, Pampanga; Villasis, Pangasinan; Tagaytay City; Villasis, Pangasinan; Baguio City; Marikina City; at Las Piñas City.

Intensity III ang naramdaman sa Dasmariñas, Indang at General Trias, Cavite; Lucban, Quezon; Muntinlupa City, Cabanatuan City; Palayan City; Gapan City; at Santo Domingo at Talavera, Nueva Ecija.

Baler, Aurora naman ang nakaramdam ng Intensity II.

Maraming nasa mga matataas na gusali ang pansamantalang lumikas matapos ang lindol, kasama ang mga delegado ng Boao Forum sa Taguig.

Dalawa naman ang nasawi sa Pampanga matapos madaganan ng pader, ayon kay Pampanga Gov. Lilia Pineda.

Walang pangamba ng tsunami kasunod ng lindol, ani Phivolcs Undersecretary Renato Solidum.

Ang tsunami ay nagsisimulang maramdaman umano kapag 6.5 ang magnitude ang lindol.

ILANG LINYA NG TREN, TIGIL-OPERASYON

Ipinahinto muna ng mga pamunuan ng MRT-3, LRT-2, at Philippine National Railways (PNR) ang kani-kanilang mga operasyon matapos ang lindol.

Ayon sa MRT, kailangan munang tiyaking ligtas ang mga estruktura at lahat ng platforms ng linya.

Napababa naman daw nang maayos ang mga pasahero nang maramdaman ang pagyanig sa MRT.

Sinuspende rin ng LRT-1 ang operasyon nila.

Tigil-operasyon din muna ang LRT-2 at magpapatuloy na lang umano ito alas-4:30 ng madaling araw sa Martes.

Nagdulot din ang lindol ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa Pangasinan, La Union, Pampanga, at Bataan, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines.

Inaasahan ding maaantala ang ilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa lindol, sabi ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal.

Ito ay para bigyang daan umano ang inspeksiyon ng runway ng NAIA. 

Kanselado na rin ang operasyon ng tren ng PNR simula pasado alas-5 ng hapon para masuri ang integridad ng kanilang riles.

Nagkansela rin ng klase ang ilang unibersidad sa Metro Manila kasunod ng lindol. 

Kabilang sa mga nagsuspende ang Far Eastern University, University of the Philippines-Diliman, De La Salle University-Manila, Lyceum of the Philippines University-Manila at San Beda College. -- Ulat nina Ina Reformina, Zandro Ochona, Vivienne Gulla, at Noriel Padiernos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.