'Baseco Beach' napuno ng basura matapos ang Linggo ng Pagkabuhay

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2019 08:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napuno ng basura nitong Lunes ang dalampasigan ng Baseco sa Tondo, Manila kasunod ng pagligo ng libo-libong tao roon noong Linggo ng Pagkabuhay.

Aabot sa 3,000 tao ang nagtungo sa "Baseco Beach" noong Linggo, ayon kay Edith Castillo, administrator ng Barangay 649 sa Baseco.

Nauna nang inamin ng pamunuan ng Barangay 649 na hindi nila kayang pigilan ang publiko sa pagligo sa maruming dagat.

Ito ay sa kabila ng mga paalala mula sa mga awtoridad na hindi pa ligtas pagliguan ang nasabing katubigan dahil hindi pa natitiyak na bumaba na ang nibel ng bakteryang fecal coliform doon.

Pinayuhan naman ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga naligo sa "Baseco Beach" na magpatingin agad sa doktor.

Ayon naman kay Health Undersecretary Eric Domingo, hindi sapat ang simpleng banlaw para matanggal ang ano mang kumapit sa katawan sa pagligo sa nasabing dalampasigan.

Dapat din umanong mag-ingat sa mga bakteryang maaaring mainom mula sa tubig. --Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.