'Double Barrel', nais paigtingin ng bagong Metro Manila police chief

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2018 02:42 PM

Itinalaga bilang bagong pinuno ng kapulisan sa Metro Manila si Police Director Camilo Cascolan. Kuha ni Mark Demayo, ABS-CBN News

Nais ng bagong talagang hepe ng mga pulis sa Metro Manila na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

"Kailangan nating paigtingin lalo ang Double Barrel. Ipapakita natin kay General [Ronald] Dela Rosa, the former chief PNP that we will work harder," sabi sa mga mamahayag nitong Linggo ni Police Director Camilo Cascolan, ang bagong pinuno ng National Capital Region Police office (NCRPO).

Pormal na uupo sa Lunes bilang hepe ng NCRPO si Cascolan, na papalit sa bagong talagang PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Ang Oplan Double Barrel ang anti-criminality campaign na pinangungunahan ng PNP. Layon nito na labanan ang iligal na droga sa mga komunidad sa pamamagitan ng Oplan Tokhang, habang pinupuntirya din ang "high value target."

Sa tala ng PNP, aabot sa 1.3 milyong "drug personalities" ang napasuko nila noong nakaraang taon.

Nais din ni Cascolan na ipagpatuloy ang "internal cleansing" sa PNP.

Kung hindi aniya magbabago ang mga tiwaling pulis na nakaupo sa puwesto, siya mismo ang didisiplina sa mga ito.

"Kung involved man kayo sa criminality, umalis na lang kayo sa NCR kung ayaw niyong magbago," dagdag ni Cascolan na dating director for operations ng PNP.

Sa kaniyang paninilbihan bilang pulis sa loob ng higit 25 taon, nagsilbi na rin siyang provincial director ng Compostela Valley at hepe ng Taguig City.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.