Chinese arestado sa buy-bust ng PDEA

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2018 09:11 AM | Updated as of Apr 22 2018 09:37 AM

MANILA - Inaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese national matapos makuhanan ng tatlong kilo ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Maynila Sabado ng gabi.

Tinatayang nasa P15 milyon ang halaga ng umano'y shabu na narekober sa suspek na nasakote sa service road ng Pasaje del Carmen at Roxas Boulevard sa Maynila.

Ayon kay PDEA National Capital Region Dir. Ismael Fajardo, dalawang buwan nilang minanmanan ang suspek.

Kamakailan lamang, nadiskubre ng mga awtoridad ang shabu lab at warehouse sa Marikina, Batangas at Malabon kung saan mga Chinese nationals din ang sangkot.

Iniimbestigahan na ng PDEA kung konektado ang suspek sa mga ito.

"Iniimbestigahan pa natin. Wholesaler ito. I believe my botikang pinagkukunan ito," sabi ni Fajardo.

Bukod sa mga pakete ng hinihinalang shabu at marked money, narekober din mula sa suspek ang kanyang sasakyan na ginagamit sa pag-deliver ng droga.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.