4 arestado sa checkpoint sa Marikina dahil sa paglabag sa gun ban

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2018 11:46 AM | Updated as of Apr 22 2018 12:07 PM

MANILA - Inaresto ng mga pulis ang apat na lalaki na nahulihan ng baril at patalim sa checkpoint sa Brgy. Marikina Heights sa Marikina City Sabado ng gabi.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng Oplan Sita bandang 11:00 ng gabi at pinahinto nila sa checkpoint ang mga lalaki na sakay ng dalawang motor.

Pero sa halip na huminto, tinangka ng mga lalaki na tumakas kaya napilitan ang mga pulis na habulin sila.

Walang naipakitang lisensya at OR/CR ang mga lalaki. Nang kapkapan ng mga pulis, nakuhanan sila ng isang 9mm na baril at isang kutsilyo, na saklaw din gun ban.

Dahil dito, agad silang hinuli at dinala sa presinto. Sasampahan sila ng kasong illegal possession of firearms, illegal possession of bladed weapon at paglabag sa Omnibus Election Code.

- ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News