Hindi ikinatuwa ng mga motorista na papel ang pansamantalang i-issue na driver's license habang nagkakaproblema pa ang Land Transportation Office sa suplay ng plastic cards.
Para sa ilang motorista gaya ni Allan Martin, pangamba nilang mapeke ang mga papel na lisensiya.
Nadismaya din dito ang Alliance of Road Users and Motorcycle Advocate Society.
"Iresponsableng pamamahala ng LTO, waste of money, waste of time…. Sana pagbutihin nila ang kanilang trabaho. Hindi pa nga tapos ang isyu sa plaka, heto na naman tayo," ani Zaldy Lenon, national director ng grupo para sa media affairs.
Nauna nang sinabi ng Land Transportation Office na pansamantala lang ang maiisyu na papel na lisensiya habang naghihintay ng pondo na pambili ng plastic cards.
Sa tantiya ng LTO, hanggang Abril na lang tatagal ang natitirang plastic cards sa buong bansa.
Dahil dito, palalawigin ng LTO hanggang Oktubre 31 ang bisa ng drivers licenses na mapapaso simula Abril 24.
Wala ring sisingiling multa sa late renewal.
"Nagdesisyon ang LTO na gawin ito dahil ayaw namin ng dagdag na abala sa ating mga motorista…. Patuloy po kaming nakikipag-ugnayan sa DOTr tungkol po sa procurement process na kanilang ginagawa… Kami po ay umaasa sa kanilang agarang aksiyon tungkol po dito," ani LTO Assistant Secretary Jay Art Tugade.
Ayon naman sa DOTr, nahuli ang LTO sa paghahanda sa proseso ng pagbili o procurement process na kailangang dumaan sa maraming hakbang para masiguro na tama ang gagawing pagbili.
"Ang dapat nating gawin ay proper planning. If we can do an early procurement we should do that, hindi 'yung gagawin nating last minute 'yung pag-procure ng ganitong items," ani Transportation Secretary Jaime Bautista.
Tantiya ng ahensiya na posibleng sa Hulyo unti-unti nang makapag-deliver ng driver's license card.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.