PatrolPH

Hontiveros pumalag sa planong pagbebenta ng smuggled na asukal

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2023 06:29 PM

MAYNILA -- Pumalag si Sen. Risa Hontiveros nitong Biyernes sa plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta sa halagang P70/kilo ang hindi bababa sa 4,000 metrikong tonelada ng smuggled na asukal.

Ani Hontiveros, mas pabor siya na ibigay ito sa Department of Social Welfare and Development para sa mga kapus-palad at biktima ng mga kalamidad.

“Kaysa mabulok o ibenta para makitaan pa, bakit hindi na lang ibigay ng libre sa mga kababayan nating nangyari at biktima ng kalamidad? Maraming nagugutom ngayon at kinakapos dahil sa mataas na presyo ng bilihin,” ani Hontiveros.

Dagdag ni Hontiveros, kung ibebenta ang mga smuggled na asukal ay dapat pumalo lang ito sa P65/kilo.

"Sa komputasyon ng aking opisina, dapat P65 lang ang presyo ng asukal na imported galing Thailand... Pero bakit mataas pa rin ang presyo kung ibebenta?" ayon sa senador.

Giit ng senador, maaari ring palawigin ng DA at SRA ang kanilang pakikipagtulungan sa mga stakeholder sa lokal na industriya ng asukal upang mapataas ang ani ng produksyon.

"Hindi kailangang umasa ng Kadiwa stores sa mga puslit na asukal para mura ang benta nito. Kailangang sugpuin ang pribadong kartel sa asukal na nagpapataas ng presyo, dahil na rin sa kagagawan ng gobyerno,” pahayag ni Hontiveros.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.