PatrolPH

Pacquiao sa Ilocos Norte: ‘Subukan niyo naman ako ng 6 na taon’

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2022 02:51 AM

Tinapos ni Sen. Manny Pacquiao ang kaniyang kampanya sa Ilocos Norte sa pamamagitan ng pagdalo sa isang prayer rally sa bayan ng San Nicolas nitong Miyerkoles.

Bago ito, nag-motorcade muli si Pacquiao sa Laoag City bandang alas-4 ng hapon kung saan sinalubong siya ng mga Ilokano, at ang iba ay naghihiyawan pa.

Hindi naman mawawala ang mga Marcos loyalist kapag dumadaan ang motorcade, bagay na sinuklian naman ng ngiti ni Pacquiao at ng kaniyang maybahay na si Jinkee.

Tumagal ng halos 30 minuto ang prayer service na dinaluhan ng ilang taga-Vigan, Ilocos Sur at Laoag.

Kasunod nito ay inilahad na ni Pacquiao ang kaniyang mga plano para sa Pilipinas sakaling manalo sa Halalan 2022, katulad ng libreng pabahay, trabaho, at pagpapaospital para sa mga senior citizen.

"Nasubukan na natin silang lahat. Ang hiling ko sa inyo, si Manny Pacquiao na nasubukan ang pinakamahirap na sitwasyon ng buhay, subukan niyo naman ng anim na taon. Makikita ninyo ang comparison sa anim na taon sa kumpara sa 30 taon na lumipas sa ating bansa," aniya.

Binanggit din niya ang kanyang plano na pagsamasamahin sa kulungan ang mga nagnanakaw sa gobyerno dahil hindi umano mapapalakas ang ekonomiya hanggat may kawatan sa gobyerno.

Biyaheng Bohol naman ang PROMDI standard bearer sa Huwebes. – Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.