PatrolPH

Lalaki arestado sa paglabag sa Comelec gun ban sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2022 11:28 AM

Larawan mula sa Negros Oriental Provincial Police
Larawan mula sa Negros Oriental Provincial Police

Inaresto ng mga kasapi ng Santa Catalina Police Station sa Negros Oriental ang isang lalaki nitong Miyerkoles ng gabi matapos mahuling may bitbit na baril.

Ayon sa pulisya, nakita ng isang concerned citizen ang lalaking si Alex Mayagma na palakad-lakad sa Barangay Poblacion na may kasamang ibang lalaki. 

Nang kinausap nito si Mayagma, bigla umano nitong kinuha ang baril galing sa kaniyang bulsa. 

Nagkaroon pa umano ng rambolan kaya agad napuntahan ng pulisya. 

Nakatakas ang kasama ni Mayagma.

Nakuha mula sa kaniya ang isang Colt 45 na baril, government model, apat na magazine, at 74 na bala. Kasama din sa kinumpiska ng pulisya ang kaniyang bag, wallet at motorsiklo.

Bukod sa illegal possession of firearms, kinasuhan din ng paglabag sa Comelec gun ban ang hinuli.

Sa tala ng Negros Oriental Provincial Police, hindi bababa sa 40 ang kanilang nahuli na lumabag sa Comelec gun ban magmula nang ipinatupad ito.

Nagsimulang ipatupad ang Comelec gun ban noong Enero 9 at magtatapos sa Hunyo 8 para sa Halalan 2022.

Isa umano ang bayan ng Santa Catalina na may naitalang mga presensiya ng mga armadong grupo.

Iniimbestigahan na ngayon ng Santa Catalina PNP kung bakit may dalang baril si Mayagma at hinahanap na ang kasama nito.

—Ulat ni Annie Perez

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.