PatrolPH

Tourism workers sa Cagwait dinalhan ng relief packs

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2021 07:33 PM | Updated as of Apr 21 2021 08:12 PM

Tourism workers sa Cagwait dinalhan ng relief packs 1
Nagdala ng tulong ang ABS-CBN sa mga manggagawa ng mga beach resort at industriya ng turismo sa Cagwait, Surigao del Sur.

Apat na taon nang surfing instructor sa isang resort sa Cagwait, Surigao del Sur si Zach Senoc.

Sa ganoong paghahanapbuhay kinuha ni Senoc ang pantustos sa kaniyang pag-aaral hanggang maka-graduate siya ng kursong Hotel and Restaurant Management noong nakaraang taon.

Pero mula nang magsimula ang community quarantine dahil sa COVID-19, humina ang pasok ng turista sa resort kaya't nawalan ng kita si Senoc at kaniyang mga katrabaho.

"Grabe talaga ang pagbago. 'Di tulad ng dati, halos everyday may kliyente kami," kuwento ni Senoc.

Balak sana ni Senoc maghanap ng ibang trabaho para makatulong sa pamilya. Pero nahihirapan din siyang gawin ito dahil sa pandemya.

Hindi rito naiiba ang kalagayan ni Danica Itchon, na nag-uumpisa pa lang maging community tour guide nang tumama ang pandemya.

"Wala nang halos pumapasok dito sa amin... 'Yong taga-ibang lugar galing sa Manila, Davao, kung saan-saan, hindi na nakakapasok dito," aniya.

Watch more on iWantTFC

Nabuhayan ng loob sina Senoc at Itchon dahil ngayong buwan ay muling nagbukas ang mga resort sa kanilang lugar bagama't para sa mga lokal na bisita at 50-percent capacity lang muna.

"Sa ngayon, starting this year, medyo nag-resume na 'yong operation," sabi ni Guardiano Lozada, president ng Cagwait White Beach and Land Owners Association.

Dahil hindi pa rin sapat ang kita, humihiling pa rin ng ayuda ang mga kagaya nina Senoc at Itchon para may pantawid ang kanilang pamilya.

Sa pagpunta ng ABS-CBN sa Cagwait, nadalhan ng relief packs sina Senoc, Itchon at mga kasama nila sa trabaho mula sa 18 resort.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.