NBI nagbabala sa pagbebenta ng mga nakaw na container van

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2021 08:59 PM

Watch more in iWantTFC

Nagbabala ang National Bureau of Investigation sa modus na pagbebenta ng mga nakaw na container van ngayong tumaas ang demand para sa mga ito dahil ginagawang mga isolation facility, clinic o mobile office.

Ayon kay Noel Bocaling, hepe ng NBI sa Bulacan, pinagsasamantalahan ng mga kawatan ang pagkakataon dahil tumaas ang pangangailangan sa mga container van.

"Ang daming gumagamit, ginagawang mobile testing facility, ginagawang opisina or isolation facility, na minsan nakaw pala," sabi ni Bocaling.

Natunton kamakailan ng NBI-Bulacan ang mga container van na ninakaw mula sa isang container yard.

Lumalabas na ibinenta umano ito sa isang negosyante at sinimulan nang gawing gusali.

Ayon sa nagreklamong container yard, dinoktor ng mga suspek ang mga dokumento ng 18 nilang container van para ito ay mailabas.

May kaakibat umanong certification mula sa nagmamay-aring shipping line ang mga container van.

Nasa P300,000 ang halaga ng isang 40-foot container van habang nasa P100,000 naman ang 20-foot container van.

Kinasuhan ng paglabag sa Anti-Fencing Law ang bumili ng mga nakaw na container van, habang qualified theft naman sa mga nagnakaw nito.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.