Lagpas na sa kailangang contact tracer ng Department of Labor and Employment ang bilang ng mga aplikante.
Mula noong Sabado, 8,751 na ang nag-apply bilang contact tracer ng DOLE para sa COVID-19 response effort. Sa bilang na iyon, 831 ang direktang nag-apply sa DOLE habang ang natitira ay sa mga local government unit.
Pero sa National Capital Region lang binuksan ang contact tracer hiring at 4,754 lang ang kailangan ng ahensiya.
Umabot na rin umano sa ibang rehiyon ang mga interesadong mag-contact tracer.
"Mayroon din po kaming na-note na mga former contact tracers na displaced, na meaning hindi na sila na-rehire so they applied," ani Karina Perida Trayvilla, direktor ng Bureau of Workers with Special Concerns sa DOLE.
"Sabi kasi ni Secretary [Silvestre Bello], we will leave it to the discretion of the regional director kung mayroong LGUs (local government unit) na gustong makipag-partner sa TUPAD program," dagdag ni Trayvilla.
Ang TUPAD ang emergency employment program ng DOLE.
Pinag-aaralan din ng DOLE kung kaya pang dagdagan ang kanilang hiring gamit ang iba pang programa para matugunan ang kawalan ng trabaho.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, 4 milyong Pilipino ang unemployed noong Enero.
Sa datos naman ng DOLE, higit 118,000 ang natanggal sa trabaho mula Enero hanggang Marso 2021.
Target ng DOLE na ma-deploy ang mga contact tracer bago o sa mismong Labor Day, Mayo 1.
Isang online job fair din ang ikinakasa ng DOLE kung saan nasa 13,000 trabaho ang maaaring apply-an ng mga jobseeker.
— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Labor and Employment, contact tracer, contact tracer hiring, hanapbuhay, employment, unemployment, TV Patrol, Zen Hernandez