Maraming simbahan sa Metro Manila bukas na ulit

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2021 02:35 PM

Maraming simbahan sa Metro Manila ang binuksan na ulit matapos mailagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang capital region at mga karatig nitong lalawigan.

Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, bukas na ang Quiapo Church, Tondo Church at Manila Cathedral.

Susundin din umano ng mga simbahan ang protocol na 10 porsiyento lamang ng total capacity ang papapasukin sa mga simbahan.

Nag-anunsiyo na rin ang Diocese of Kalookan na puwede nang pumasok sa mga simbahang nasasakupan nila basta sumunod din sa 10 porsiyentong capacity.

Ganito rin ang pahayag ng Diocese of Novaliches, na nagpaalala sa mga mananampalataya na sumunod pa rin sa mga health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nag-abiso rin ang Diocese of Cubao na bubuksan na rin ang mga simbahan.

Pero ayon kay Bishop Honesto Ongtioco, ipinauubaya niya ang pagbubukas sa bawat parish priest, depende sa situwasyon sa lugar ng mga ito.

May ilang parokya rin ang nagsabing naghihintay na lang sila ng guidelines mula sa kanilang obispo kaugnay sa muling pagbubukas.

Nagpaalala naman ang mga simbahan na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga online mass.

Iiral ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal hanggang katapusan na buwan. Bago nito, nasa ECQ ang mga nasabing lugar simula Marso 29 hanggang Abril 11 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.