Sampaloc, Maynila isasailalim sa hard lockdown simula gabi ng Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 05:31 PM | Updated as of Apr 21 2020 06:39 PM

Watch more in iWantTFC

Sasailalim sa 2 araw na "hard lockdown" ang Sampaloc district, Maynila simula gabi ng Huwebes o Abril 23, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.

Ayon kay Moreno, ipatutupad ang lockdown simula alas-8 ng gabi ng Huwebes hanggang alas-8 ng gabi Sabado o Abril 25.

Sa panahon ng lockdown, kanselado ang quarantine passes at ipinagbabawal ang paglabas ng mga residente sa kanilang mga bahay, ani Moreno.

Mga health worker, pulis, sundalo, Coast Guard personnel, pharmacy workers, at iba pang frontliner service workers ang hindi sakop ng lockdown.

Ang Sampaloc ang may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod, na nasa 99 habang 285 residente naman ang itinuturing na probable case.

Bukod sa dami ng kaso, marami ring residente ang lumalabag sa mga patakaran ng enhanced community quarantine, na ipinatupad para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon naman kay Cabinet Secretary Carlo Nograles, bubuo ng karagdagang patakaran ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para sa mga lokal na pamahalaang magsasagawa ng lockdown. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.