MAYNILA - Magbubukas ng karagdagang testing centers ang Philippine Red Cross para maabot ang target nilang 20 labaratoryo na kayang mag-proseso ng libo-libong coronavirus tests.
Ayon kay PRC chairman Richard Gordon, bukod sa naunang testing center na binuksan sa national headquarters sa EDSA noong nakaraang linggo, isa pang pasilidad ang bubuksan na kayang gumawa ng hanggang 4,000 tests kada araw.
Sabi ni Gordon, magkakaroon na ng kabuuang anim na laboratoryo sa Metro Manila na kayang mag proseso ng 9,000 hanggang 10,000 tests kada araw sa pagbubukas ng pasilidad sa dating national headquarters nito sa Port Area sa Maynila.
Nakatanggap ang Red Cross ng P60-milyong donasyon mula sa Mega World Corporation na siyang gagamitin rin sa pag set-up ng dagdag na COVID testing centers sa Metro Manila.
Dagdag ni Gordon, nagtatayo na sila ng testing centers sa Clark, Subic, Batangas at UP Los Baños.
Magtatayo rin ng COVID testing centers ang PRC sa Cebu, Zamboanga, Cagayan de Oro, General Santos, Surigao, Negros Island, Panay Island, Leyte at Samar.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Red cross COVID-19 testing centers, Red Cross, Coronavirus testing centers, coronavirus, DZMM, Tagalog news