Pagkilala sa 'virtual' reseta sa gitna ng lockdown ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 06:17 PM

MAYNILA — Nanawagan ang isang senior citizen advocate na maglabas ng kautusan ang Department of Health (DOH) para kilalanin ng mga botika ang "virtual" reseta sa gitna ng umiiral na lockdown sa maraming parte ng bansa. 

Ayon sa abogadong si Romulo Macalintal, talamak ngayon ang telekonsulta sa mga doktor at marami sa kanila ay nagbibigay na lamang ng online prescription o reseta. 

"Iba-Viber na lamang sa iyo at 'yun ay ipakikita na lang sa kanila, marami namang drugstores ang ino-honor 'yan," sabi niya.

Kasalukuyang napapailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon at iba pang bahagi ng Pilipinas para makontra ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil dito ay hindi makalabas ang mga residente at nananatili na lamang sa bahay para maiwasan ang pagkalantad sa virus. 

Kasabay nito ay nanawagan si Macalintal na i-extend ang bisa ng mga reseta ng mga matatanda lalo na kung hindi naman buwanan ang check-up ng mga ito.

Dapat din aniyang isama sa 20 percent discount ang mga food supplement at vitamins ng mga matatanda, sabi ni Macalintal.

"Ako ay nananawagan kay Sec. [Francisco] Duque pakitingnan niyo 'yan kasi kaming senior citizens food supplement na kami ayaw na namin ng ordinaryong gamot kasi nakakadisgrasya ng iba’t ibang parte ng katawan," sabi nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.