Pagbubukas ng klase posibleng iurong sa Agosto: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 02:21 PM

MAYNILA — Inihayag ng Department of Education (DepEd) na posibleng sa Agosto magbukas ang klase para sa darating na school year, base sa mga isinagawang konsultasyon ng kagawaran, sabi nitong Martes ni Education Secretary Leonor Briones.

"Karamihan nagsasabi, para may panahon tayo sa paghahanda ng edukasyon, pagbabago sa paraan ng pagtuturo at saka para masigurong malinis at safe ang ating kabataan, karamihan sa nagre-respond ay para sa August," ani Briones sa isang press briefing.

Pero maaari pa raw maimpluwensiyahan ng mga desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa ng pagbubukas ng klase.

Ayon kay Briones, nagsasagawa rin sila online survey kaugnay ng pagbubukas ng klase, na karaniwang nangyayari tuwing Hunyo.

Sakaling matuloy ang pagbubukas ni klase, inihayag ng kalihim na mag-iiba rin ang paraan ng paghahatid ng edukasyon sa mga estudyante.

Para maiwasan ang siksikan sa mga silid-aralan, may mga estudyanteng papayagang mag-aral mula sa kanilang mga bahay habang ang iba ay sa classroom.

"Hindi lahat face-to-face kundi mayroong mga gagawin ang mga bata sa kanilang tahanan, mayroon silang mga ibang activities," ani Briones.

"Patuloy ang edukasyon maski ano mang mangyari," dagdag niya.

Naantala ang mga klase mula pa noong Marso matapos isailalim sa lockdown sa Luzon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19. Nagpatupad din ng mga parehong hakbang ang ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.