Mga sundalo tutulong sa pagpapatupad ng quarantine sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 03:36 PM

Tutulong simula ngayong Martes ang Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Makati.

Sa courtesy call ngayong Martes kay Makati City Administrator Claro Certiza, sinabi ni Major Jaicris Jan Mendoza ng 2nd Rifle Company na inutusan silang suportahan ang pulisya sa pagpapatupad ng quarantine sa lungsod.

Ang trabaho aniya nila ay magbantay at magpaalala sa mga residente na huwag lumabas ng bahay, at hindi para arestuhin ang mga lalabag.

Nilinaw naman ni Certiza na hindi ito ang umpisa ng mala-martial law na pagpapatupad ng community quarantine.

"Huwag kayong mabahala, matakot kapag nakita ninyo ang mga unipormadong army na iikot sa barangay ninyo," aniya.

Ang pulisya pa rin, ayon kay Certiza, ang mangunguna sa pagpapatupad ng quarantine.

Kamakailan ay nagbabala si Pangulong Duterte na magpapatupad ng lockdown na mala-martial law kapag nagpatuloy ang pagdami ng mga paglabag sa mga patakaran ng quarantine.

Sa panayam sa ilang residente ng Makati, pumabor sila sa pagtulong ng mga sundalo sa pagpapatupad ng quarantine.

"Kailangan rin 'yon para madisiplina rin," anang residente na si Chris Bañares.

Nakatakdang matapos sa Abril 30 ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Samantala, magtatayo ng 2 negative pressure tent ang Makati local government para sa mga pasyente ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, target nilang matapos ngayong linggo ang 2 tent sa Ospital ng Makati.

Una ang Makati na magtatayo ng makabagong pasilidad na ilalagay sa ambulance bay ng Ospital ng Makati para maiwasan ang posibleng hawahan.

Bawat tent ay may 6 na intensive care unit beds, power supply, pressure sensor, alarms, lighting, filtration system, monitors, air purification, toilet, shower, decontamination room, changing room, storage at mga aircon.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.