Mga magwawaldas sa natanggap na gov't cash aid binalaan ng senador

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 05:05 PM

MAYNILA — Nagbabala si Sen. Bong Go nitong Martes sa sino mang magulustay lamang sa ipinamahaging ayuda ng pamahalaan sa ilalim ng iba't ibang programa tulad ng social amelioration program.

Sinabi ito ni Go matapos maiulat na ang ilang nakinabang sa cash aid ng pamahalaan ay nahuhuli sa sabungan, sugalan, inuman, at mga ilegal na gawain. 

Sa Bacoor City ay may isa pa raw nahuli na bumibili ng droga gamit ang P6,500 na natanggap mula sa gobyerno. 

Sabi ni Go, posibleng hindi na maisama sa ikalawang round ng cash assistance program ang sino mang mapatutunayang nagwaldas lang ng kanilang ayuda.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, 2 buwan na bibigyan ng tulong pinansyal na P5,000 hanggang P8,000 ang mahihirap na pamilya.

Sa ikaapat na report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ukol sa COVID-19 pandemic, naabutan na daw ng ayuda ang higit 4 milyong pamilya na nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

—Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.