Mga labi ng 3 sundalong nasawi sa bakbakan sa Sulu, naiuwi na sa Isabela, Cagayan

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 02:02 AM

Puno ng dalamhati ang pamilya at kamag-anak nang masilayan na nila ang mga kabaong ng kanilang mga mahal sa buhay na nasawi sa bakbakan sa Patikul, Sulu noong Biyernes.

Umaga nitong Linggo nang dumating sa tactical operations group 2 ng Philippine Air Force sa Cauayan City, Isabela ang mga labi ng mga sundalong taga-Isabela at Cagayan.

Kabilang sa taga-Isabela sina SSg Jayson Gazzingan, 39 anyos ng Barangay San Rafael, Sta. Maria, Cpl. Ernesto Bautista ng Naguillan Sur, Ilagan City at si Pfc Jomel Pagulayan na taga-Cataggaman Pardo, Tuguegarao City, Cagayan.

Ayon sa sundalong si SSg Jake Gazzingan, kapatid ng isa sa mga nasawi, pipilitin nilang tanggapin ang nangyari.

Naulila ng yumaong Gazzingan ang misis na nasa Taiwan at tatlong anak. Hinihintay nila ang pagdating ng misis ni Gazzingan anumang araw ngayong linggo.

Nakaburol ang kaniyang mga labi sa kanilang bahay at hihingi ang pamilya ng pahintulot sa lokal na pamahalaan kung papayagan ang siyam na araw na burol.

Nagdadalamhati at nakikiramay rin ang pamunuan ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela na dating mother unit ng 21st Infantry Battalion, kung saan kabilang ang mga nasawing sundalo.

Sabi ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo ng 5th ID, sisiguraduhin nilang maibibigay ang anumang tulong sa mga naulilang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.