Malabon City naglunsad ng 'telekonsulta' hotline para sa mga residente

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 01:44 PM

MAYNILA — Hindi na kailangan pang lumabas ng bahay para magtungo sa health center o ospital ang mga taga-Malabon City ngayong naglunsad ng tele-consult hotline ang kanilang lokal na pamahalaan. 

 

Sa "telekonsulta," maaaring itawag sa hotline ang mga minor medical matters tulad ng check-up, pagreseta sa gamot, at iba pang uri ng konsultasyon, ayon kay Malabon City health office head Bobby Romero.

Mismong doktor ang makakausap ng residente, dagdag niya. 

Sinabi ni Romero na ang karaniwang natatanggap nilang tawag ay pagkonsulta ng mga residente kapag nakararanas ng ilang sintomas ng COVID-19.

Ang reseta naman aniya ay pinapadala na lang sa pamamagitan ng Viber.

Para naman aniya sa mga nangangailangan ng gamot pero kapos sa budget, may mga pagkakataon na sinasagot na ng lokal na pamahalaan ang kanilang gamot at idine-deliver mismo sa residente lalo na kung senior citizen, person with disability, at bata. 

Sa mga residenteng nais magpatelekonsulta sa doktor, maaaring i-check ang Facebook account ng Malabon LGU para sa mga numero na naka-assign sa bawat barangay.
 
Bukas ang kanilang linya mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.