Kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental umakyat na sa 2

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 01:10 AM | Updated as of Apr 21 2020 07:09 AM

Umakyat na sa dalawa ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Negros Occidental.

Kinumpirma ito nitong Lunes ni Negros Occidental Governor Eugenio Lacson. 

Ayon sa isang source ng ABS-CBN News, ang 42 anyos na pasyente ay residente ng bayan ng La Castellana. Nanggaling ito sa kaniyang mga kamag-anak sa Pavia sa Iloilo at bumalik sa lalawigan noong Marso 14.

Ayon pa sa source, nauna nang nagpositibo sa COVID-19 ang dalawang kamag-anak ng pasyente sa Pavia.

Kasalukuyang naka-home quarantine ang pasyente. Nitong Lunes ng hapon lamang lumabas ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Kinumpirma na rin ni La Castellana Mayor Rhumyla Nicor Manguilimutan ang nasabing impormasyon.

Dagdag pa ng alkalde, mas magiging mahigpit ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine ngayong may mga kumpirmadong kaso na ng COVID-19 sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.