Imbestigasyon sa mga ospital na nagtaboy umano sa mga pasyente sinimulan na

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2020 09:01 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Inumpisahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa mga kaso ng ilang pasyenteng tinanggihan umano ng serbisyo ng mga ospital sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pag-arangkada ng imbestigasyon, pinuntahan ng NBI-National Capital Region ang mga naulila ng 57 anyos na si Josefina Barroz.

Si Barroz ay tinanggihan umano ng 8 ospital at pumanaw na lamang sa loob ng ambulansiya nang hindi nagagamot. 

Pormal nang nagreklamo sa NBI ang pamilya. 

Pero nilinaw naman ng NBI na bibigyan din nila ang mga ospital ng pagkakataon na magpaliwanag.

"Iba-validate muna namin ang lahat ng sinabi ng pamilya. Tapos kakausapin namin sila," ani Yuri Beltran, agent-on-case ng NBI-NCR. 

Nagsampa na rin ng reklamo sa NBI ang pamilya ng magsasakang si Ladislao Cabling na tinanggihan naman daw ng 6 na ospital sa Nueva Ecija bago binawian ng buhay. 

Sa kaniyang public address noong Huwebes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may obligasyon ang mga ospital sa mga may sakit. 

Abiso ng Department of Health, tumawag muna sa kanilang tele-medicine hotline kung may nararamdaman bago pumunta sa ospital dahil may peligro rin kapag nalantad sa medical facility sa gitna ng pandemic. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.